Posibleng ipatupad ng Philippine National Police (PNP) ang signal jamming sa mga mobile phones sa Traslacion 2025, ngunit nakadepende pa sa isasagawang threat assessment sa mismong araw ng Enero 9.
Hinimok ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ang publiko na maging handa sa posibilidad ng biglaang pagkawala ng signal.
Ang no-fly zone ay ipatutupad naman sa itaas ng lungsod ng Maynila sa darating na Pista ng Itim na Nazareno.
“No fly-zone, but of course tayo at yung mga authorities will be allowed. Kasama din sa contingencies yung [paglagay ng signal jammer] depende sa decision ng regional director because the overall supervisor because will be the NCRPO but we will be supporting them kung ano man ang requirements,” saad ni PNP Chief Gen. Acorda Jr.
Magpapatuloy ang PNP sa kanilang pagbabantay mula Quirino Grandstand patungo sa mga ruta ng Traslacion upang masubaybayan at masigurong susunod ang lahat sa mga regulasyon, kabilang ang liquor ban at pagbabawal sa pagdadala ng matatalas na bagay.
Nagtalaga ang PNP ng higit 14,000 pulis at iba pang security personnel upang masiguro ang kaligtasan ng mga deboto.
“Handa kami upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan,” dagdag ni Acorda.
Magiging bahagi naman ng seguridad ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), na nagbabala laban sa pagpapalipad ng mga drone sa mga restricted airspace.
Samantala, magde-deploy ng mga firetrucks at medical teams ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa paligid para sa agarang tulong sakaling kailanganin.
Sa kabila ng lahat ng paghahanda, patuloy na hinihimok ang mga deboto na maging responsable at iwasan ang hindi pagsunod sa mga regulasyon upang matiyak ang maayos na pagdiriwang ng banal na selebrasyon. – VC