Hindi inaalis ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang posibilidad na mag-isyu ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) Number 5 dahil sa bagyong Julian na kasalukuyang sumasalanta sa hilagang bahagi ng bansa.
Huling namataan ang bagyo sa katubigan ng Balintang Island sa Calayan, Cagayan na kumikilos patungong west northwest sa bilis na 10 km/h taglay ang lakas ng hangin na aabot sa 175 km/h, at pagbusong may lakas na 215 km/h.
Batay sa 8:00 a.m. weather advisory ng PAGASA, nakataas sa TCWS No. 4 ang Batanes at ang hilagang bahagi ng Babuyan Islands.
Nakataas din ang TCWS No. 3, 2, at 1 sa iba pang bahagi ng Luzon.
Tinitignan din ang tsansang mag-landfall ang Julian sa Batanes ngayong araw.
Itinaas naman ang Gale Warning upang magbigay ng babala sa mga manlalayag na huwag na munang sumampa sa dagat dahil sa masamang lagay ng panahon.
Bukas ng hapon o hindi kaya ay Miyerkules ng umaga inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Julian na nakikitang sunod na tatama sa Taiwan.
Matatandaang namuo bilang isang tropical depression ang bagyong Julian nitong Biyernes, Setyembre 27. – VC