
Magpapatupad ang Manila Electric Company (MERALCO) ng dagdag-singil sa kuryente ngayong Hunyo dahil sa mas mataas na generation charges.
Ayon kay Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga, inaasahang aakyat sa P14.4833/kWh ang kabuuang singil ngayong buwan para sa karaniwang sambahayan mula sa P14.3345/kWh noong Mayo.
Para sa mga residential customer na kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan, katumbas ito ng karagdagang P30 sa kanilang kabuuang bayarin sa kuryente.
Isa sa mga pangunahing dahilan ng pagtaas ay ang mas mahal na presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM), na umabot sa P7.0281/kWh dahil sa masikip na suplay ng kuryente sa Luzon grid.
Inilagay sa red alert status ang Luzon grid mula Mayo 13-15 matapos lumampas ang demand sa kuryente na naitalang pinakamataas na antas noong 2024.
Dahil dito, ipinatupad ang secondary price cap sa loob ng 3.89%, indikasyon ng patuloy na mataas na presyo sa spot market.
Bahagyang nabawasan naman ang epekto ng pagtaas ng generation charge dahil sa pagbaba ng line rental at iba pang singilin matapos alisin ang suspensiyon ng operasyon ng WESM noong Mayo 1.
Ayon sa MERALCO, malaking bahagi ng line rental charges ang sinagot ng kanilang mga supplier sa ilalim ng mga power supply agreement (PSA) na inaprubahan ng mga regulator, kaya hindi gaanong naramdaman ng mga konsyumer ang dagdag-gastos.
Pinaalalahanan naman ng MERALCO ang mga customer na maaaring mas tumaas pa ang kanilang mga bayarin ngayong Hunyo dahil sa mas mataas na konsumo ng kuryente dulot ng matinding init ng panahon. VC











