Naniniwala si National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago na maaaring ‘coping mechanism’ lamang ni dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo ang ginawa nitong pag-pose at pagngiti sa mga larawang kumakalat sa social media kasama ang ilang mga ahente ng NBI at Bureau of Immigration (BI).
Paglilinaw ni Santiago sa isang news forum ngayong Martes, Setyembre 10, walang jurisdiction ang NBI sa Indonesia kaya naman makikita sa mga larawan na hindi pa nakaposas si Alice.
Kasabay nito ay kinondena ng direktor ang mga ahente na sumali pa sa mga larawan ni Guo na aniya’y “unprofessional ang inasal”.
Kinumpirma rin ni Santiago na siya ang nagpadala ng mga larawang ito sa ilang mga lokal na pamahalaan kaya ito kumalat.
Samantala, muling kinumpirma ni Santiago ang pahayag ni Guo sa NBI na kilala nito si Atty. Elmer Galicia na nagnotaryo ng kaniyang counter-affidavit. Gayunpaman, hindi ito pwedeng gamitin laban sa kanya dahil wala siyang kasamang council noong kinakausap siya ng NBI.
Mayroon na rin umanong impormasyon ang NBI na gusto nang sumuko ni Wesley Guo, ang isa sa mga kapatid ng dating alkalde, at hinihintay lamang si Alice na tuluyang sumuko.
Matatandaang nahuli si Alice sa Jakarta, Indonesia noong Setyembre 4 at inilipad pabalik sa Pilipinas nitong Biyernes, Setyembre 6. – AL/VC