IBCTV13
www.ibctv13.com

Speaker Dy, itinutulak ang Magna Carta para sa mga kawani ng barangay

Kristel Isidro
132
Views

[post_view_count]

House Speaker Faustino “Bojie” Dy III pushed for the passage of the Magna Carta for Barangays during the House Committee on Local Government’s Subcommittee on Local Officials and Personnel hearing on Thursday, February 5. (Photo courtesy of HOR)

Nanawagan si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa agarang pagpasa ng matagal nang panukalang Magna Carta for Barangays, iginiit na ang mga opisyal ng barangay ang tunay na frontliner ng pamahalaan at nararapat na mabigyan ng dignidad, proteksyon, at mas matibay na suporta.

Sa pagharap ni Dy sa House Committee on Local Government-Subcommittee on Local Officials and Personnel ngayong Huwebes, Pebrero 5, pinasalamatan niya ang mga kasamahan na patuloy nagtutulak sa panukala, kabilang na ang House Bill No. 3533 na siya mismo ang may akda.

Bilang dating punong barangay, alkade, at gobernador na saksi sa bigat ng tungkulin ng isang barangay official, binigyang-diin ng lider ang malaking papel na ginagampanan ng mga ito lalo na’t sila ang unang kumikilos sa oras ng krisis at problema sa isang komunidad na tinawag niyang ‘first responders’.

Ayon pa kay Dy, kabilang din sa gampanin ng mga opisyal ng barangay ang pare-parehong tungkuling pang-ehekutibo, lehislatibo, at hudisyal, kabilang na ang pagpapatupad ng mga programa ng gobyerno, pagbalangkas ng mga ordinansa, at pag-aayos ng mga alitan sa pamamagitan ng Katarungang Pambarangay.

Sa ilalim ng panukala, isinusulong na mapabuti ang sahod at benepisyo ng mga Punong Barangay, Kagawad, SK officials, at barangay personnel, at matiyak ang pagkakaroon ng sapat na pasilidad, bilang mahalagang yunit ng pamahalaan.

“Kapag pinalakas natin ang barangay, mas nararamdaman ng taumbayan ang gobyerno,” ani Dy.

Positibo naman si Dy na maisusulong ang panukala sa 20th Congress sa tulong ng komite, at iginiit na ang pagpapalakas sa barangay ay pagpapalakas din sa ugnayan ng pamahalaan at mamamayan. – IP