IBCTV13
www.ibctv13.com

Speaker Romualdez, pinuri ang liderato ni Pangulong Marcos Jr. para sa paglagda sa Agricultural Tariffication Act

Jerson Robles
375
Views

[post_view_count]

Photo from PCO and Canva file

Pinuri ni Speaker Martin Romualdez ang pagpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naamyendahang Agricultural Tariffication Act, na naglalayong palakasin ang kakayahan ng gobyerno na tiyakin ang katatagan ng presyo ng bigas, bigyang kapangyarihan ang mga Pilipinong magsasaka, at siguruhin ang suplay ng pagkain sa bansa.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang batas na ito ay tumutugon sa mga pangunahing suliranin ng mga ordinaryong Pilipino, kabilang ang pagtaas ng presyo ng bigas at seguridad sa pagkain.

“This is a landmark legislation that directly addresses the most pressing concerns of ordinary Filipinos: rising rice prices, food security, and the welfare of our farmers. It underscores our collective commitment to building a stronger, more resilient Philippines,” saad ni Speaker Romualdez.

Binigyang-diin niya ang pamumuno ni Pangulong Marcos Jr. na naging susi sa mabilis na pagpasa ng batas.

“Muling pinatunayan ni Pangulong Marcos ang kanyang malasakit sa bawat pamilyang Pilipino. Ang batas na ito ay isang matibay na hakbang upang tugunan ang isyu ng inflation, lalo na sa presyo ng bigas, na pangunahing pagkain sa bawat hapag-kainan,” ani Speaker Romualdez.

Ang bagong batas ay nagpapalakas sa regulatory powers ng Department of Agriculture (DA) upang labanan ang hoarding at iba pang uri ng pang-aabuso sa merkado.

Maglalaan ito ng P5 bilyong buffer fund para sa mga emergency sa seguridad ng pagkain at palalawigin ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) hanggang 2031.

Pagbibigay-diin ni Speaker Romualdez, ang bagong batas ay tagumpay ng bawat sambahayang Pilipino.

“Malinaw ang mensahe ng Pangulo: walang Pilipinong dapat magutom o maghirap dahil sa mataas na presyo ng bigas. Ang batas na ito ay sagot sa matagal nang hiling ng ating mga magsasaka at mamimili,” saad ni Speaker Romualdez.

Inaatasan pa sa nasabing batas ang National Food Authority (NFA) na pamahalaan ang buffer stocks mula sa mga lokal na magsasaka, upang masiguro ang seguridad sa pagkain at suporta sa kabuhayan ng sektor ng agrikultura.

Ipinaabot naman ni Romualdez ang kanyang pasasalamat sa mga kasamahan niya sa Kongreso at stakeholders sa pagbuo at pagsulong ng isang makamasang batas.

“Patuloy tayong magsusulong ng mga repormang magdadala ng kaginhawaan sa bawat Pilipino. Sama-sama nating itataguyod ang Bagong Pilipinas na pinangungunahan ng ating mahal na Pangulo,” pagtatapos ni Romualdez. – VC

Related Articles