Inatasan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Budget and Management (DBM) at Department of Education (DepEd) upang taasan ang Service Recognition Incentive (SRI) ng mga guro sa pampublikong paaralan ngayong taon.
Pasasalamat ito ng Pangulo sa hindi matatawaran na serbisyo ng mga guro upang mabigyan ng de kalidad na kaalaman at kasanayan ang mga kabataang Pilipino sa paaralan.
Tinatayang nasa 1,011,800 DepEd personnel ang mapapamahagian ng SRI kung saan mula sa dating P18,000 – P20,000 na incentive ay nais pa itong pataasan ni Pangulong Marcos Jr.
Lubos namang pinasalamatan ni DepEd Secretary Sonny Angara ang Pangulo at tinawag ang rekumendasyon bilang ‘morale booster’ ng mga guro sa buong bansa.
“This initiative underscores our shared goal of empowering teachers and reinforcing their critical role in shaping the future of Filipino learners,” mensahe ni Angara.
Matatandaang noong nakaraang taon ay kabilang ang mga guro mula sa pampublikong paaralan sa mga nabigyan ng SRI kasama ang iba pang mga kawani ng pamahalaan sa bansa. – AL