
Magandang balita ang hatid ng Social Security System (SSS) sa milyun-milyon nitong miyembro at pensioner matapos aprubahan ang panibagong dagdag sa kanilang buwanang pensyon simula Setyembre sa ilalim ng Pension Reform Program.
Ayon kay Department of Finance (DOF) Secretary Frederick Go, naging posible ang dagdag-pensyon dahil sa matatag na pananalapi ng SSS.
Sa Setyembre 2026, magkakaroon ng karagdagang 10% ang mga retirement at disability pensioner as of August 31, 2026, habang 5% naman ang itataas sa death o survivor pensioners.
Ganito rin ang ipatutupad sa Setyembre 2027 para sa mga pensioner as of August 31, 2027 — 10% dagdag para sa retirement at disability pensioners at 5% para sa death at survivor pensioners.
Ayon sa SSS, ang pagtaas ay naging posible nang hindi dinadagdagan ang contribution rate ng mga miyembro dahil sa lumagong net income ng ahensya noong 2025 na umabot sa P142.970 bilyon, mula sa P90.248 bilyon noong 2024.
Ayon kay Commissioner Joseph De Claro, target din ng ahensya na ilunsad sa ikalawang quarter ng taon ang micro pension loan para sa pensioner.
Sa ilalim ng micro pension loan, maaaring umutang ang mga kwalipikadong pensioner ng hanggang P300,000 batay sa hanggang 24 buwan ng kanilang pensyon. “(Ulat mula kay Alyssa Insigne)” – VC











