Nilinaw ng Social Security System (SSS) na halos kalahati ng P89 bilyon na uncollected contributions mula sa mga employer na itinuro ng Commission on Audit (COA) ay nakolekta na.
Ipinaliwanag ni SSS President at CEO Robert Joseph de Claro sa isang briefing sa Palasyo na ang ulat ay naglalaman ng mga datos mula sa mga nakaraang taon, kabilang ang panahon ng pandemya kung saan nahirapan ang maraming negosyo.
Ipinakita ni de Claro na mula sa P89-B, bumaba na ito sa P46-B mula Oktubre 2024.
“It’s an old COA report that talks about the delinquency of employers from SSS. From that time it was P89 billion. After reconciliation, as of October 2024 that number has gone down to P46 billion and we are constantly working on trying to assess ibang sources nitong discrepancy na’to,” paliwanag ni de Claro.
Matatandaang nakasaad sa 2023 COA report ang uncollected premium contributions mula sa mga delinquent employers.
Ayon sa ulat, tanging P4.581 bilyon lamang ang nakolekta noong 2023, na katumbas ng 4.89% ng P93.747 bilyon collectibles para sa taong iyon.
Inilarawan pa sa ulat ang 420,767 delinquent business at household employers. – VC