Nanawagan si Social Security System (SSS) President at CEO Robert Joseph M. de Claro sa mga mambabatas na isulong ang tinatawag na Contribution Subsidy Program (CSP) kasunod ng nakatakdang pagtaas ng kontribusyon ng mga miyembro nito.
Nilinaw ni De Claro sa isang press briefing sa Malacañang ang pangangailangan na mahpatupad ng contribution hike upang hindi maapektuhan ang mga benepisyo ng mga miyembro.
Matatandaang tinawag ng ilang grupo, kasama na ang ilang mambabatas, ang pansin ng SSS upang suspindihin ang nakatakdang pagtaas sa SSS contributions sabay sabing hindi pa ito ang tamang panahon para rito.
Sa halip na suspindihin, hinikayat ngayon ni de Claro ang mga mambabatas na bumuo ng subsidiya para sa mga miyembro.
“Kaysa ipasuspend natin itong increase, bakit hindi tayo umupo at pag-usapan kung paano niyo matutulungan ang ating manggagawa?” hamon ng SSS President and CEO.
“Baka ho ang ating mga kapatid na mga mambabatas na nag-o-oppose, na nagre-request na i-delay ito hindi ba po puwedeng i-subsidize nila para sa kanilang mga miyembro itong dagdag na P190 na dagdag in contribution?” pagpapatuloy niya.
Sa pamamagitan aniya ng CSP, maaaring manghingi ng pondo mula sa mga mayayamang indibidwal upang matulungan ang mga low-income earning na Pilipino sa pagbabayad ng kanilang kontribusyon.
Naniniwala si de Claro na makapagbibigay ito ng tulong sa mga self-employed at iba pang sektor na nahihirapan sa kanilang kontribusyon.
Sa huli, tiniyak ni SSS President de Claro na huling pagtaas na ang 15% na mandatory contribution dahil hindi na makatuwiran kung lalagpas pa ito lalo’t may 25-30% income tax pa na kinakaltas sa suweldo ng mga manggagawa.
“What I can assure the public is that the Social Security Commission and its management team is committed to working on that 15 percent as the last increase,” saad ni de Claro. – VC