Agad na umaksyon ang iba’t ibang hanay ng pamahalaan upang maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko na ininda ng mga motoristang bumabiyahe sa Andaya Highway sa Lupi, Camarines Sur.
Isa ang ‘Stop-and-Go’ scheme sa naging paraan ng mga traffic personnels upang magkaroon ng pagkakataon ang mga sasakyan na makadaan nang maayos sa naturang highway kung saan binibigyan sila ng tig-30 minutong interval na naging solusyon din sa counterflow.
Kasama sa mga tumugon ay ang mga tauhan ng Camarines Sur Provincial Police Office (PPO) pati na ang kanilang counterpart mula sa Provincial Mobile Force Company at Highway Patrol Group (HPG) na nagbantay sa maayos na daloy ng trapiko sa lugar.
Maging ang Sitio Mauca sa Barangay Colacling sa Lupi, Camarines Sur ay naging maayos na rin ang daloy ng trapiko dahil sa pagpapatipang ng 30-minute interval scheme sa lugar.
Samantala, nagpadala na rin ang Land Transportation Office Region 5 (LTO-5) sa Bicol ng mga enforcer na tumulong sa pagsasaayos ng trapiko sa lugar kasabay ng paglalabas ng travel advisory upang ipaalam sa publiko ang kondisyon ng trapiko sa Ragay at Lupi.
Malaki naman ang pasasalamat ni Police Regional Office-Bicol (PRO-5) Regional Director, Brig. Gen. Andre Dizon sa lahat ng mga ahensya ng pamahalaan na agad na tumugon upang maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa Andaya Highway.
Sa ngayon ay ‘light to moderate’ na lamang ang traffic condition, habang nananatili sa ‘moderate to heavy’ ang trapikong iniinda ng mga motorista sa Lupi.
Maaari ring dumaan ang mga motoristang nagmamaneho ng mga light vehicle sa ilang alternate route sa Sipocot-Camarines Norte route o sa Sta. Elena-Capalonga, Daet, Camarines Norte route kung magtutungo sila ng Maynila o pabalik sa probinsya.