Hindi na lamang store manager ang turing kay Bryan Bondoc, dahil isa na rin siyang bayani matapos iligtas ang buhay ng kanilang customer na inatake sa puso, sa tulong ng kanyang kaalaman sa Cardiopulmonary Resuscitation (CPR).
Sa isang panayam, ikinuwento ni Bryan sa IBC-13 Digital kung paano niya sinalo ang lalaking customer noong bumagsak ito hanggang sa mga oras na kinailangan niya nang isagawa ang CPR sa pasyente sa loob ng 30 minuto habang hinihintay ang medical responders.
“Nung nakita ko na nanigas na siya [customer] tapos nangitim na ‘yung mukha niya tapos biglang bumitaw na, dun ko na sinimulan tanggalin ‘yung damit tapos tuloy-tuloy na ‘yung CPR hanggang sa dumating ‘yung medic,” kwento ni Bryan.
Malaki naman ang naging pasasalamat ng pamilya ng customer kay Bryan.
Sa katunayan, tumagal pa nang isang linggo ang buhay ng pasyente bago tuluyang binawian ng buhay.
Samakatuwid, nakatulong ang ginawang pag-CPR ng first aider para mabigyan pa ng kaunting panahon ang lalaking customer na makasama ang kaniyang pamilya at makapagpaalam pa.
“Habang pina-pump ko si customer, nakita kong lumuluha na siya eh kaya nasa isip ko, gusto pa mabuhay nung tao kaya kinakausap-usap ko rin. Tapos nadala naman sa ospital at nakabangon pa pero after 1 week namatay din po,” pagpapatuloy ni Bryan.
“Parang inisip ko na lang, ‘yung way na na-revive ko siya kahit 1 week lang nadugtong sakanya, nakapagpaalam siya kasi mahirap yung biglaan sa pamilya,” dagdag pa niya.
Tamang-tama ang kwento ni Bryan para sa pagdiriwang ng National CPR Day nitong Hulyo 17.
Para sa kanya, isa itong magandang pagkakataon upang dumami pa ang matuto kaugnay sa lifesaving technique habang nakikilala ang first aid responders na walang takot na tumutulong tuwing may emergency sa daan.
“Pag kaya niyong tumulong [sa emergency], tumulong kayo, wag lang basta mag video. At kung first aider ka naman at wala kang ginawa, konsensiya mo na ‘yun,” mensahe ni Bryan sa lahat. -VC