Nakalabas na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang Super Typhoon Julian as of 9:00 a.m. ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Martes.
Batay sa 11:00 a.m. weather bulletin ng PAGASA, huli itong namataan sa layong 225 km sa kanluran ng Itbayat, Batanes habang mabagal na kumikilos patungong kanluran taglay ang hanging may lakas na 195 km/h at pagbugsong may bilis na 240 km/h.
Gayunpaman, inaasahan ang pag-recurve o muling pagpasok ng Super Typhoon Julian sa PAR bukas ng umaga o tanghali
Samantala, nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Warning Signal Number 2 sa Batanes; Babuyan Islands; hilagang bahagi ng Ilocos Norte partikular na sa Bacarra, Pasuquin, Bangui, Vintar, Burgos, Pagudpud, Dumalneg, at Adams; at ang hilagang kanlurang bahagi ng mainland Cagayan (Santa Praxedes, Claveria, Sanchez-Mira).
Nakataas din ang TCWS No. 1 sa iba pang bahagi ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Apayao, Kalinga, Abra, Mountain Province, Ifugao, Benguet, iba pang bahagi ng mainland Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, hilagang bahagi ng Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan), at hilagang parte ng Nueva Ecija (Carranglan, Lupao, Pantabangan).
May gale warning din ang ahensya para sa mga karagatan sa Northern Luzon upang pagbawalan ang mga mangingisda na pumalaot.
Huwebes ng gabi, Oktubre 3 o ‘di kaya’y Biyernes ng umaga, Oktubre 4 inaasahang tuluyang lalabas ng PAR ang Super Typhoon Julian upang magpaulan naman sa Taiwan.