Iniulat ng Department of Agriculture (DA) na may sapat na suplay ng bigas ang bansa sa kabila ng pinsalang idinulot ng nagdaang Severe Tropical Storm (STS) Kristine at kasalukuyang Typhoon Leon.
“Sa NFA (National Food Authority) mayroon po tayong sapat na rice supply sa ngayon,” saad ni Lorna Calda sa isang panayam, DA-Disaster Risk and Reduction Management (DA-DRRM) Director.
Tiniyak ng opisyal na handa ang pamahalaan na tulungan ang mga maaapektuhan ng bagyong Leon, partikular ang mga magsasaka at mangingisda.
Kabilang na rito ang pagbubukas ng Survival and Recovery (SURE) loan na maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon na may zero interest, gayundin ang paggamit sa P1-bilyong halaga ng quick response fund para magamit sa pagbili ng kinakailangang production inputs.
Patuloy din ang pag-monitor ng DA sa mga presyo ng pagkain sa gitna ng pananalasa ng bagyo kung saan binigyang-diin na awtomatiko nang ipatutupad ang ‘price freeze’ sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.
“Para po sa ating mga apektadong magsasaka at mangingisda, nandito po ang Kagawaran ng Pagsasaka. Handa pong tumulong sa inyo at pagtulung-tulungan po nating makaahon dito sa sakunang dumating na ito,” saad ni Calda. -VC