
Malugod na tinanggap ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang resulta ng pinakabagong Tugon ng Masa survey ng OCTA Research kaugnay sa suporta ng mga Pilipino sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Lumabas sa survey na 69% ng mga Pilipino ang nagnanais na ipagpatuloy at palawakin pa ang AKAP na naglalayong bigyan ng ayuda ang bawat pamilyang Pilipino na may mababang kita at higit na apektado sa tumataas na presyo ng mga bilihin.
“The OCTA survey is good news for the DSWD as this validates AKAP as a program that caters to low income individuals and families who are in need of augmentation to meet their daily needs, including food and transportation,” pahayag ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao.
Maliban sa mataas na suporta, 79% ng mga Pilipino ang sumagot sa survey na may nalalaman sila patungkol sa nasabing programa ng DSWD.
Paliwanag ng OCTA, ang mataas na kamalayan sa programa ng publiko ay maaaring resulta ng epektibong komunikasyon at impormasyon na ipinapaabot ng DSWD sa publiko.
Dahil dito, tiniyak ng DSWD na patuloy nilang pagsusumikapan na mapalawak pa ang programa upang mas maraming pamilyang Pilipino ang makinabang. – VC