Masaya ang mga lider na nangunguna sa House Quad Committee kasunod ng malakas na suporta ng publiko sa kanilang imbestigasyon sa “drug on war” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa survey ng Pulse Asia na isinagawa mula Nobyembre 26-Disyembre 3, 2024, lumabas na 61% ng mga respondente ang pabor sa imbestigasyon ng Quad Committee sa madugong war on drugs ni FPRRD.
Ang imbestigasyon ay pinasimulan upang ilabas ang katotohanan mula sa kampanya vs. iligal na droga ng dating administrasyon, mapanagot ang nasa likod ng umano’y libu-libong extrajudicial killings, habulin ang nag-usbungang iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa at mabigyan ng hustisya ang mga biktima.
“This is a clear mandate from the people to pursue justice and expose the truth behind these systemic abuses,” saad ni Quad Comm lead chair at Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers.
Binigyang-diin ni Rep. Barbers at iba pang kasapi ng House of Representatives na ang resulta ng Pulse Asia survey ay salamin ng pagtitiwala ng mamamayan sa kanilang ginagawang imbestigasyon.
“This overwhelming support from the Filipino people strengthens our resolve to go after those responsible for these systemic abuses,” saad ni Barbers.
“The message is loud and clear—Filipinos want accountability and reforms,” dagdag niya.
Ang Quad Committee ay pinangangasiwaan ng Committees on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts.
Mula Agosto hanggang Disyembre ng nakaraang taon, nakapagsagawa ang komite ng 13 imbestigasyon.
Lumabas sa kanilang pagdinig na ang war on drugs campaign ni dating Pangulong Duterte ay ginamit upang pagtakpan ang isang “grand criminal enterprise”.
Naisiwalat din sa komite na may mga grupo at matataas na opisyal na pinoprotektahan si Duterte.
Bilang sukli naman ng komite sa suporta ng publiko, tiniyak ng mga mambabatas na hindi sila titigil sa kanilang imbestigasyon hangga’t hindi pa nakakamit ng sambayanan ang hustisya.
“Our duty is clear: fight for justice and protect the Filipino people from those who exploit the system,” magkaisang pahayag ng house leaders. – VC