IBCTV13
www.ibctv13.com

Suporta para sa naapektuhan ng pagsabog ng Mt. Kanlaon, tiniyak ni PBBM

Jerson Robles
307
Views

[post_view_count]

Screengrab from RTVM; Photo from SALTA Canlaon Official

Nagsimula na ang pamahalaan sa pamamahagi ng mga food packs at iba pang mahahalagang tulong sa mahigit 80,000 residente na naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon nitong Lunes, Disyembre 9, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Tiniyak ng Pangulo na handa ang gobyerno na tugunan ang pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan kung saan personal nang nagtungo si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa Negros Island upang pangasiwaan ang mga relief efforts.

Ipinahayag din ng Pangulo na may sapat na pondo mula sa Department of Budget and Management (DBM) upang magbigay ng karagdagang suporta sa mga pamilyang pansamantalang nakatira sa evacuation centers.

“We are ready to support the families who have been evacuated outside the six-kilometer danger zone,” saad ni Pangulong Marcos Jr.

“We’re ready. We know what to do and we have already started to send food packs, and we already started to send all of the things that we [need to] bring to those who are in evacuation centers,” dagdag niya.

Iniulat din ng Pangulo na patuloy ang pag-monitor ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Science and Technology (DOST) sa kalidad ng hangin sa mga apektadong komunidad upang matukoy kung kinakailangan ang karagdagang paglikas.

Batay sa datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nangyari ang pagsabog ng Kanlaon bandang 3:03 p.m. nitong Lunes na nagresulta sa makapal na usok na umabot ng 3,000 metro ang taas.

Dahil dito, itinaas na sa Alert level 3 ang estado ng bulkan mula sa Alert level 2 na nagpapahiwatig ng posibleng mas malalaking pagsabog. – VC

Related Articles