
Inanunsyo ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang nakatakdang pag-arangkada ng Supplemental Feeding Program (SFP) ngayong taon, bilang tugon sa malnutrisyon sa mga bata sa bansa.
May kabuuang P5.182 bilyon na pondo, ang programa ay layong magbigay ng sapat at masustansyang pagkain sa halos 1.5 milyong bata na kasalukuyang naka-enroll sa Child Development Centers (CDCs) o day care centers sa buong bansa sa loob ng 120 feeding days.
Ayon kay Gatchalian, nakasunod ang SFP sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bawat bata ay dapat nakatatanggap ng libre at balanseng pagkain upang makapag-aral nang maayos at matiyak ang kanilang nutrisyon.
Kasama rin sa programa ang pamamahagi ng sariwang gatas para sa mga batang napapabilang sa undernourished o kulang sa timbang.
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang SFP ay isang paraan upang matulungan ang mga pamilyang hirap sa gastusin sa pagpapakain ng mga anak sa gitna ng epekto ng inflation at iba pang hamon sa kabuhayan.
Tiniyak din ng kalihim na magiging maigting ang monitoring at evaluation ng programa upang masigurong ang bawat pondong ginugugol ay direktang napapakinabangan ng mga kabataang Pilipino. – VC