
Tiniyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mas maaga at maigting na paghahanda ng ahensya para sa panahon ng tag-ulan sa taong 2026.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, mayroong sapat na pondo ang pamahalaan para sa mga flood control project na nakatakdang itayo susunod na taon.
Iginiit din niya na dapat nang matigil ang puro lamang pagpa-plano at simulan nang isakatuparan ang mga nakalinyang proyekto, alinsunod mismo sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Tiniyak pa ng kalihim na hindi sasayangin ng DWPH ang naisagawang 2017 master plan para sa flood mitigation sa lalawigan ng Cebu, na siyang higit na nasalanta ng nagdaang Typhoon Tino.
“We will start already now… Pero this time around we will execute it the right way. Wala nang kailangan pang planuhin, pag-aralan, kasi nandun na,” saad ni Dizon.
Bukod sa flood control projects, kabilang din sa target maipatupad ng ahensya ang watershed protection at no-build zones sa mga lugar na hindi naman dapat tayuan ng tirahan o anumang gusali gaya ng tabing-ilog. (Ulat mula kay Francis Riodeque, IBC News) – IP











