Bumuo na ng Task Force Kanlaon at Inter-Agency Coordinating Council ang Department of National Defense para mas mapaigting ang kanilang operasyon at pagtugon sa sitwasyon sa Negros Island kasunod ng pagputok ng Bulkang Kanlaon.
Iniulat ni Director Raul Hernandez ng Office of Civil Defense (OCD) Region VI sa isang panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon, na patuloy ang pagsasagawa ng assessment at paghahatid ng tulong ng gobyerno sa mga lokal na pamahalaan, lalo na sa La Castellana.
Sa katunayan, karamihan ng mga residente na nakatira sa loob ng anim na kilometrong permanent danger zone mula sa bulkan ang nakalikas na.
“Nailikas na natin ang karamihan ng ating kababayan, ngunit may ilan pang natitira na kailangang mailikas,” sagot ni Hernandez.
Inihayag din niya na may sapat na suplay ng pagkain at non-food items para sa mga evacuees at may plano na ang central office para sa posibleng depletion ng resources kung magtatagal ang sitwasyon.
“Ang ating responders ay hindi titigil hangga’t may naiwan pang kababayan natin. Kailangan nating tiyakin ang kanilang kaligtasan,” dagdag ni Hernandez.
Pinayuhan naman ng opisyal ang publiko na makinig sa mga utos ng mga awtoridad at lumikas kung kinakailangan, habang nakahanda ang pamahalaan na tugunan ang kanilang pangangailangan. – VC