Tuluyan nang naging isang low pressure area (LPA) ang binabantayang cloud cluster o kumpol ng mga ulap sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR), batay sa 24-hour Tropical Cyclone Formation Outlook na inilabas ng PAGASA bandang 10:00 a.m. ngayong Huwebes, Setyembre 26.
Huli itong namataan sa layong 800 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon.
Kasabay nito, nabuo na rin bilang isang Tropical Depression ang LPA na nasa labas ng PAR at may layong 2,615 kilometro silangan ng Central Luzon.
Isa pang LPA ang nabuo sa layong 1,435 kilometro silangan ng Eastern Visayas ngunit mababa naman ang tyansa na mabuo bilang bagyo.
Pinapayuhan ng weather bureau ang lahat na manatiling alerto para sa pagbabago ng panahon. — VC