As of 11:00 a.m. ngayong Linggo, Setyembre 29, lalo pang lumakas ang Severe Tropical Storm Julian na nasa 290 kilometro East Northeast ng Aparri, Cagayan o 300 kilometro East ng Calayan, Cagayan taglay ang lakas ng hangin malapit sa gitna na 110 km/h at pagbugsong umaabot sa 135 km/h.
Dahil dito, itinaas na ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 3 sa northeastern portion ng Babuyan Islands sa Cagayan.
TCWS No. 2 at 1 naman ang itinaas sa malaking bahagi ng Northern at Central Luzon habang posible pang umabot sa TCWS No. 4 ang babala ng PAGASA sa mga susunod na oras.
Sa ngayon, mabagal na kumikilos ang bagyo sa direksyong West Northwestward at nagbabadyang tumama o magkaroon ng ‘close approach’ sa bahagi ng Batanes o Babuyan Islands.
Hinihikayat ang mga residente sa mga apektadong lugar na maging handa at alerto sa posibleng pagbabago sa lagay ng panahon. -VC