Sa kauna-unahang pagkakataon mula noong 1963, binigyan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng local name ang isang Tropical Cyclone (TD) kahit nasa labas pa ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na pinangalanan bilang bagyong Romina.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 365 km timog ng Kalayaan Islands sa Palawan taglay ang lakas ng hangin malapit sa gitna na 55 km/h at pagbugsong umaabot ng hanggang 70 km/h.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong North Northeastward sa bilis na 30 km/h.
Inaasahang daraan ito sa katimugang bahagi ng Kalayaan Islands at posibleng dumaplis din sa PAR line.
Sa ngayon ay itinaas na ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa Palawan, partikular na sa Kalayaan Islands.
Posibleng umabot sa Signal No. 2 ang pinakamataas na babala sa hangin na ilalabas ng ahensya bunsod ng patuloy na epekto ng bagyo.
Una nang sinabi ng PAGASA sa kanilang 4:00 a.m. weather forecast na posibleng pumasok sa PAR ang nasabing bagyo ngayong araw.
Ito na ang ika-18 bagyo na tumama sa Pilipinas ngayong taong 2024.