IBCTV13
www.ibctv13.com

TESDA Skills Passport Mobile App, inilunsad ni PBBM

Ivy Padilla
153
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. led the launch of the TESDA Skills Passport Mobile Application at the Makabagong San Juan National Government Center today, Feb 5. (Screengrab from RTVM)

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglulunsad ng skills passport mobile application ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ngayong Miyerkules, Pebrero 5, na magsisilbing all-in-one digital platform sa bawat Pilipino.

Sa kanyang mensahe, ipinagmalaki ng Pangulo na makikita sa bagong application ang mahahalagang impormasyon tungkol sa TESDA scholarship, employment opportunities, accredited training institution, at online training courses.

Gamit ang iisang platform, maaaring magplano ng pagsasanay, mag-aral online, at mag-apply para sa mga scholarship ang bawat user nito.

Magsisilbi rin itong job portal na mag-uugnay sa mga TESDA-certified individual sa mga employer at industry partners sa buong bansa.

Dito ay magkakaroon ng sariling digital storage ang mga TESDA scholar na magagamit para mapatunayan ang kanilang mga kinuhang training at natanggap na national certificate.

Ayon sa Pangulo, hindi na mangangamba ang mga employer kung ito’y lehitimo dahil gumamit ang TESDA ng blockchain para matiyak na totoo ang lahat ng impormasyon.

“Ang TESDA Skills Passport Mobile App ay isang maaasahang digit – maasahan na magagamit natin sa digital space,” saad ng Pangulo.

Tiniyak naman ni Pangulong Marcos Jr. na protektado ang mga personal na impormasyon ng bawat user sa bagong application.

Sa huli, hinikayat ng lider ang mga kabataang Pilipino, TESDA scholar, at lahat ng gustong matuto ng mga panibagong skills na subukan at gamitin ang skills passport mobile app na maaaring ma-download sa Apple App Store at Google Play. – VC