
Naglabas ng babala ang Thailand Food and Drug Administration (FDA) matapos matuklasang hindi pumasa sa safety standards ang Hong Thai Brand Herbal Inhaler Formula 2 dahil sa microbial contamination.

Batay sa pagsusuri ng Department of Medical Sciences (DMS), lumampas sa pinapayagang limitasyon ang naturang produkto sa Total Aerobic Microbial Count, Yeasts and Mould Count, at Clostridium spp. contamination kung saan apektado ang batch number 000332, na may manufacturing date na December 9, 2024 at expiry date na December 8, 2027.
Ayon sa Thailand FDA, hindi ito pasado sa purity at quality standards ng Ministry of Public Health para sa mga rehistradong herbal product, at pinayuhan ang publiko na huwag nang gamitin o bilhin ang naturang inhaler.
Binalaan din ang mga lalabag ng hanggang dalawang taon na pagkakakulong at multang 200,000 baht sa mga manufacturer, at anim na buwang pagkakakulong o multang 50,000 baht sa mga nagbebenta.
Samantala, sinuri na ng Hong Thai Herbal ang apektadong batch at tiniyak na hindi apektado ang iba pa nitong produkto. –VC











