
Inaasahang magbubukas ng mas maraming oportunidad sa trabaho, mas malawak na access sa digital market, at pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilhin sa Pilipinas ang pagdaraos ng 49th ASEAN Summit, ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ma. Cristina Roque.
Sa panayam sa Treze Mornings, binigyang-diin ni Roque ang malaking potensyal ng ASEAN sa ekonomiya, dahil sa laki ng populasyon, purchasing power, at kakayahang palakasin ang kalakalan ng mga kasaping bansa.
“We have to realize that ASEAN as a block is napalakas na, malaki ang ekonomiya, malakas ang buying power, malaki ang population, malaki ang potential when it comes to trade,” ani Roque.
Isa sa mga pangunahing inaasahang resulta ng summit ang paglagda sa Digital Economy Framework Agreement (DEFA), na naglalayong palawakin ang digital trade at e-commerce sa mga bansang kasapi ng ASEAN.
Ayon kay Roque, sa ilalim ng kasunduan, mas mapapadali ang pakikipagkalakalan ng mga negosyo sa rehiyon sa pamamagitan ng mga digital platform, na magbibigay-daan sa mas malawak na pamilihan at karagdagang oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino.
“Yung buong ASEAN, magiging open na in the digital space. The entire ASEAN will trade with each other across the e-commerce platform. Marami ring trabaho because those that do work in the digital or tech, magbubukas din across ASEAN,” paliwanag ng kalihim.
Sa pamamagitan nito, mas magkakaroon ng pagkakataon ang mga negosyante mula sa malalayong lugar, na maipakilala at maibenta ang kanilang mga produkto sa iba pang bansang kasapi ng rehiyon.
Samantala, inaasahan din na makatutulong ang mas pinaigting na ugnayang pangkalakalan ng mga bansang kasapi ng ASEAN sa pagpapababa ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ani Roque, sa pamamagitan ng mas malapit na koordinasyon ng mga bansang nag-aangkat at nagluluwas ng mga produkto, maaaring mapabuti ang kalakalan at mapagaan ang presyo ng mga produktong kailangan ng publiko.
“We have a good relationship. Nag-uusap kami, to be able to bring down the prices,” ani Roque.
Hinimok naman ng kalihim ang publiko na maging mas aktibo sa pag-alam sa mga usaping may kaugnayan sa ASEAN upang maunawaan ang mga oportunidad at benepisyong maaaring makuha mula sa mga kasunduan.
Ayon kay Roque, mahalagang malaman ng bawat sektor kung paano magagamit ang mga kasunduan ng ASEAN upang mapalago ang kanilang negosyo at makinabang sa mas malawak na oportunidad sa kalakalan.
“It is best to engage and to really know what is going on in ASEAN, to know exactly kung ano yung magiging benepisyo in each and every one of us. Let’s say I’m in this business, ano yung pwede kong makuha or what can my business benefit from this summit,” ani Roque. – VC











