
Palalawigin pa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang paglulunsad ng ‘Trabaho sa Bagong Pilipinas para sa 4Ps’ job fair sa iba’t ibang probinsya sa bansa sa mga susunod na buwan.
Ayon kay Marie Grace Ponce, 4Ps Social Marketing Division chief, layunin ng naturang job caravan na tulungan ang mga pamilyang matatapos na sa 4Ps program na ipagpatuloy ang pag-unlad ng kanilang buhay.
“Asahan po ng mga kababayan natin na iro-roll out natin sa iba’t ibang lugar pa. Alam ko naka-schedule na din tayo na pupunta sa mga lugar ng Pampanga, Bulacan, at Abra. Inaayos pa po yung schedule sa ibang lugar kasi gusto natin marating natin kung nasaan yung mga beneficiaries ng 4Ps,” pahayag ni Ponce.
Noong Enero 31, halos 12,000 benepisyaryo ang lumahok sa unang job fair sa Rizal Memorial Stadium sa Pasay City. Nasundan pa ito ngayong Pebrero sa Iloilo City, Tagum City, at Dumaguete City na dinaluhan ng humigit-kumulang 3,000 katao sa bawat lokasyon.
“Itong Trabaho sa Bagong Pilipinas para sa 4Ps, it’s a whole of government approach. So lahat ng ahensya ng pamahalaan ay nagtutulong-tulong para maisakatuparan ang Trabaho Para sa Bagong Pilipinas para sa 4Ps,” dagdag ng division chief.
Sa pamamagitan ng programa, umaasa ang DSWD na mas maraming pamilya mula sa 4Ps ang magkaroon ng maayos at pangmatagalan na hanapbuhay para sa kanilang kinabukasan. – VC