IBCTV13
www.ibctv13.com

Traslacion 2026, inabot ng halos 31 oras; higit 7.4-M deboto, dumalo sa prusisyon

Ivy Padilla
168
Views

[post_view_count]

Andas of Nuestro Padre Jesus Nazareno as it traversed Bilibid Viejo-Gonzalo Puyat Sts. on early morning of Saturday, January 10. (Photo by Michael Peronce, IBC Digital)

Isang makasaysayang traslacion ang naitala ngayong Enero 2026 matapos umabot ng 30 oras at 50 minuto ang paglipat ng Andas ng Poong Jesus Nazareno mula Quirino Grandstand sa Maynila pabalik sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno o mas kilalang Quiapo Church. 

Pumalo rin sa tinatayang 7,414,200 mga deboto ang matiyagang nakiisa sa prusisyon bilang pagpapakita ng kanilang panata sa Poon, batay sa pinal na datos ng Innovation Integrated GIS and Data Hub ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO). 

Nagsimulang umusad ang Andas bandang 3:59 ng madaling araw nitong Biyernes, Enero 9, mula sa Quirino Grandstand, at naibalik sa Quiapo Church ng 10:50 ng umaga. 

Nalagpasan nito ang 22 oras na itinagal ng prusisyon noong taong 2017 at 2018, at 21 oras noong nagdaang 2025.

Kaugnay nito, iniulat ni Philippine National Police (PNP) Acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na ‘generally peaceful’ ang katatapos lang na traslacion kung saan pinuri rin nito ang lahat ng commanders at uniformed personnel para sa kanilang serbisyo-publiko at pagpapanatili ng kaayusan.

“Overall, we consider the Traslacion generally peaceful and orderly despite the sheer volume of devotees,” ani Nartatez. 

Aabot sa 18,000 police personnel ang ipinakalat para tiyakin ang maayos at payapang Pista ng Poong Jesus Nazareno.