Muling tumaas ang ‘trust’ at ‘satisfaction rating’ ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa buwan ng Setyembre ayon sa pinakabagong ‘Trust and Satisfaction Ratings of Top Government Officials’ na isinagawa ng opinion polling survey na Tangere.
Batay sa datos ng Tangere, tumaas sa 58.80% ang bilang ng mga Pilipino nagtitiwala kay Pangulong Marcos Jr. kung saan mas mataas ito ng 0.30% kumpara sa 58.50% score na naitala nitong Agosto.
Kaugnay nito, umakyat din sa 46.40% ang ‘satisfaction rating’ ng Pangulo ngayong buwan na 0.40% na mas mataas kumpara sa 46% na naitala noong nakaraang buwan.
Samantala, bahagyang bumaba naman ang ‘trust rating’ ni Vice President Sara Duterte mula sa 57% noong Agosto patungo sa 56.70% ngayong Setyembre.
Bumaba rin ang ‘satisfaction rating’ ng ikalawang pangulo mula 49% patungong 48.70% para sa naturang buwan.
Batay pa sa datos ng Tangere, tumaas din ang trust rating ni House Speaker Martin Romualdez (56.4%), Chief Justice Alexander Gesmundo (42.2%), at Senate President Francis Escudero (60.0%).
Dagdag pa dito ay tumaas din ang satisfaction rating ng mga naturang opisyal kung saan nakakuha si Romualdez ng 46.3%, 38.0% naman ang natanggap ni Gesmundo, at 50.8% naman ang naitala para kay Escudero.
Isinagawa ng Tangere ang survey na ito sa tulong ng 2,000 respondante na lumahok sa Northern Luzon, Southern Luzon, Visayas, Mindanao, at National Capital Region (NCR) simula Setyembre 16-19.