Kinumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na ang sunud-sunod na pagyanig sa Santa Catalina, Ilocos Sur ay kasabay na nararanasan sa Manila Trench segment 2 kung saan sakaling gumalaw ay nagbabadya ng magnitude 8.4 na lindol at tsunami.
Nagsagawa ng tsunami simulation ang PHIVOLCS kasunod ng makailang beses na offshore earthquakes sa probinsiya.
Sa kalkulasyon ng ahensya, maaaring umabot ang unang alon sa baybayin ng mga probinsya ng Zambales, Pangasinan, La Union, Ilocos Sur, Ilocos Norte, at Cagayan sa loob lamang ng dalawa (2) hanggang 15 minuto.
Tinatayang nasa tatlo (3) hanggang 15 metro naman ang taas ng alon na posibleng tumama sa mga nabanggit na lugar.
Nilinaw naman ng PHIVOLCS na walang anumang equipment ang bansa upang malaman kung kailan tatama ang lindol at tsunami ngunit kailangan maging alerto ang publiko sa banta nito sakaling maranasan ang mga sumusunod:
1. Malakas na lindol (Shake)
2. Biglaang pagbabago sa antas ng tubig-dagat (Drop)
3. Kakaibang tunog mula sa dagat (Roar)
Paalala ng ahensya, kahit isa lamang sa mga sumusunod na senyales ang maranasan ay agad nang lumikas sa mataas na lugar malayo sa dagat. – VC