
Tiniyak ng Malacañang na hindi pinapabayaan ng pamahalaan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nahaharap sa mga kasong legal at kasalukuyang nakakulong sa ibang bansa, kabilang ang tatlong Pilipinong seafarer sa Algeria.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, direktang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Foreign Affairs (DFA) na patuloy na tutukan at bigyan ng kinakailangang tulong ang mga Pilipinong nasasangkot sa mga kaso sa ibang bansa.
Batay sa ulat ng Department of Migrant Workers (DMW), nabigyan na ng legal na suporta ang tatlong seafarer na nakakulong sa Algeria kaugnay ng kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Naipanalo rin ng kanilang mga abogado ang pagbasura sa mga kaso laban sa lima sa walong Pilipinong unang inakusahan.
Samantala, nabawasan na ang sentensya ng natitirang tatlong seafarer at kasalukuyan nalang na hinihintay ang resulta ng kanilang isinampang apela.
Bukod sa legal na tulong, nagbigay din ang DMW ng pinansyal na suporta at pinayagan ang pagdalaw ng kanilang kaanak.
Tiniyak naman ng Malacañang na patuloy na mino-monitor ng DMW ang kalagayan ng mga kaso, habang iginagalang ng pamahalaan ang hudisyal na proseso ng Algeria at iba pang bansa.
Muling iginiit ng Palasyo ang pangako nitong ipagpapatuloy ang lahat ng legal at makataong hakbang upang maprotektahan ang karapatan at kapakanan ng mga Pilipinong nasa kulungan sa ibang bansa. – VC











