
Tinawag na “campaign joke” ng Presidential Communications Office (PCO) ang paratang ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte na may kinalaman si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagbebenta ng gold reserves ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ayon kay PCO Undersecretary Claire Castro, ang pagbebenta ng ginto ay isang normal na aktibidad ng BSP upang mapanatili ang katatagan ng ekonomiya.
Dagdag ng opisyal, hindi palalampasin ng pamahalaan ang pagpapakalat ng maling impormasyon na iniuugnay ang Pangulo.
“We will take this seriously para naman hindi magkaroon ng fake news lalo na sa mga taong nakikinig sa kanya, at maaaring naniniwala,” saad ni Castro.
Sa isang opisyal na pahayag, nilinaw ng BSP na ang Gross International Reserves (GIR) ng bansa ay hawak at pinamamahalaan lamang ng central bank para sa foreign exchange requirements ng bansa.
Ang anumang kita mula sa pagbebenta ng gold reserves ay mananatili sa GIR at hindi gagamitin sa ibang paraan. – VC