
Tiniyak ng Bureau of Immigration (BI) ang maigting na imbestigasyon hinggil sa umano’y korapsyon sa loob ng bilangguan ng ahensya na isiniwalat ni deported Russian vlogger Vitaly Zdorovetskiy sa isang livestream.
Kwento ni Zdorovetskiy, mayroon umano siyang akses sa kanyang cellphone sa buong panahong nanatili siya sa loob ng kulungan kung saan nakuha pa nitong i-vlog ang kanyang karanasan.
“You can do anything–money talks in the Philippines,” saad ni Zdorovetskiy.
Kaugnay ng nasabing insidente, nasibak sa pwesto ang dalawang deputy ng BI habang isang warden naman ang nagpasa ng courtesy resignation na ngayon ay tinanggap na.
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro sa isang press briefing ngayong Lunes, Enero 26, batid ng bawat kawani ng gobyerno ang hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maging malinis ang gobyerno mula sa anumang bahid ng korapsyon kung saan ang mga hindi tatalima ay binabalaang matatanggal sa pwesto.
Tiniyak naman ni BI Spokesperson Dana Sandoval na hindi ipagkikibit-balikat ng ahensya ang alegasyon ng korapsyon sa loob ng piitan na nagiging daan ng pang-aabuso ng ilang tao sa loob ng pasilidad.
Patuloy namang aantabayanan ng mga otoridad ang mga posibleng susunod pang pahayag ni Zdorovetskiy na maaaring makatulong sa mas malalim pang imbestigasyon. (Ulat mula kay Eugene Fernandez) – VC











