Pinabulaanan ni Special Envoy of the President to the People’s Republic of China for Trade, Investment, and Tourism Benito Techico ang paratang ni Atty. Ferdinand Topacio na may kaugnayan umano sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos sa kontrobersyal na negosyanteng si Cassandra Li Ong dahil sa isang larawan.
Ayon kay Techico, ‘unfair’ ang mga paratang sa Pangulo dahil kabaliktaran ang mga kwento sa kung anong totoong nangyari.
“It’s so unfair to the President, that he keeps on working hard and then yet stories maligning him keep cropping up,” saad ni Techico.
Bagaman kinumpirma ng special envoy na totoo ang inilabas na litrato ay ipinaliwanag niya na kuha ito noong matapos ang COVID-19 pandemic lockdown sa isang restaurant sa Pasay City at ang grupo ay ‘typical na nagpapa-picture’ lamang.
“After dinner may pinakilala ‘yung restaurant owner at hindi rin naman namin alam kung sino. Pumasok siya at may mga kasamang Chinese are humingi ng litrato sa ating Presidente (around) 2020. Ang ating Presidente naman ay pinayagan naman po, the typical na nagpa-picture. Ganon lang kasimple. After that lumabas na po (sila),” kwento ni Techico.
Dagdag pa niya, nalaman niya lamang na si Ong ang isa sa nagpapicture kay Pangulong Marcos Jr. at First Lady Liza matapos itong isapubliko ni Atty. Topacio sa isang press conference at hindi pa nila ito napag-uusapan ng Pangulo. -AL