
Naging epektibo ang unang taon ng implementasyon ng Academic Recovery and Accessible Learning Program o ARAL Act sa antas ng pagkatuto sa pagbabasa ng mga kabataan ayon kay Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara.
Inanunsyo ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malacañáng ngayong Huwebes, Hunyo 4.
Ayon kay Angara, ang mga mag-aaral na nangangailangan ng “remediation” ay ipinasok sa ARAL Summer Programs na natapos lamang nitong nakaraang linggo.
May 100 mga mahihirap na munisipalidad pa ang patuloy na tinututukan sa ilalim ng Bawat Bata Makakabasa Program (BBMP) para matiyak na ang lahat ng nahihirapang magbasa ay makakuha ng “grade-reading proficiency.”
“We measure progress at the beginning of the school year, in the middle and end to track progress of learners. We also have achievement tests at certain levels,” saad ng kalihim.
Nilagdaan ang ARAL Law o ang Republic Act No. 12028 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Oktubre 18, 2024, na naglalayong itatag ang pambansang learning intervention program upang tugunan ang kakulangan sa edukasyon at naantalang pagkatuto dulot ng COVID-19 pandemic.
Pangunahing tinututukan ng programa ang pagpapalakas ng kasanayan sa pagbasa, at maging sa matematika at agham para sa mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 10.











