
Inanunsyo ni Department of Budget and Management (DBM/) Secretary Rolando Toledo na sisimulan na ang implementasyon ng unang tranche ng base pay increase para sa military uniformed personnel (MUPs) alinsunod sa Executive Order No. 107.
Mula sa P21.7 bilyong pondo, P15.4 bilyon ang para sa aktibong serbisyo at P6.3 bilyon ang para sa pensyon.
Epektibo na rin simula Enero 1, 2026 ang pagtaas sa subsistence allowance ng MUPs mula P150 patungong P350 kada araw na may kabuuang pondong P71.1B upang matiyak ang kanilang tuloy-tuloy na benepisyo.
Binigyang-diin ni Toledo ang pagbibigay-prayoridad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kapakanan ng mga sundalo, pulis, at iba pang uniformed personnel sa ilalim ng panukalang 2026 national budget.
Kinumpirma rin niya ang paglalaan ng Pangulo ng P4.06-B para sa kabuuang 10,077 bagong posisyon ng military at uniformed personnel (MUP) upang palakasin ang seguridad ng publiko at ng bansa.
Mula sa bilang ng mga karagdagang tauhan, 1,358 ang ipamamahagi para sa Armed Forces of the Philippines (AFP); 2,000 para sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP); 1,000 para sa Bureau of Corrections (BuCor), at 1,719 para sa Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon sa kalihim, ang mga bagong posisyon ay hindi lamang basta mga numero o dagdag na mga bilang, dahil ito ay karagdagang lakas at proteksyon para sa bansa.
Iginiit din niya na malinaw ang paninindigan ng pamahalaan sa ilalim ng pambansang pondo na ang mga naglilingkod at nagbabantay sa bayan ay patuloy na kikilanin at susuportahan. – VC











