
Kasalukuyang nang umiiral ang Very Strong El Niño sa Tropical Pacific, na inaasahang magpapatuloy hanggang sa unang kalahati ng 2027 at posibleng umabot sa “peak” o pinakamataas na antas nito sa pagtatapos ng 2026, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Dahil El Niño, pinangangambahan na makararanas ng kakulangan sa pag-ulan, dry spell at tagtuyot ang ilang bahagi ng Pilipinas sa mga susunod na buwan.
Batay sa pinakahuling drought assessment ng PAGASA, limang lalawigan sa bansa ang nakakaranas na ng meteorological drought, habang 11 lalawigan ang nasa ilalim ng dry spell at 10 lalawigan naman ang nakapagtala ng dry conditions noong Oktubre.
Ngayong Nobyembre, inaasahang makararanas ng below-normal hanggang way-below-normal na pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa.
Posible ring makaranas ng meteorological drought at dry spell ang ilan pang lalawigan bago matapos ang buwan.
Kasabay nito, inaasahan din ang air temperature na mas mataas sa karaniwang antas sa malaking bahagi ng bansa, na maaaring magpalala sa epekto ng matinding init.
Gayunman, nilinaw ng PAGASA na posible pa ring makaranas ng malalakas na pag-ulan ang Pilipinas dahil sa pagdaan ng mga tropical cyclone at iba pang weather system na nagdadala ng ulan.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 106 na lungsod at munisipalidad sa bansa ang isinailalim na sa State of Calamity bunsod ng epekto ng climate phenomenon, batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Kabilang dito ang 66 na lugar sa Cagayan Valley, 23 sa Caraga Region, 12 sa Bicol Region, apat sa CALABARZON at isa sa SOCCSKSARGEN.
Una nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na pabilisin ang mga hakbang upang matugunan ang posibleng epekto ng El Niño, partikular sa suplay ng pagkain, tubig at enerhiya.
Kabilang sa mga direktiba ng Pangulo ang pagpapabilis sa pagtatapos ng mga water project.
Inatasan din ang mga ahensya na tiyakin ang pagbibigay ng agarang suporta sa mga sektor na maaapektuhan, palakasin ang pagtitipid sa tubig at enerhiya, at maglaan ng karagdagang pondo at kagamitan sa mga komunidad kung kinakailangan. – IP











