
Mula sa pagiging college dropout, naging isa sa mga haligi ng industriya ng musika at pelikula sa bansa si Vicente del Rosario Jr., ayon sa kasaysayan ng Viva Communications at Vicor Music Corporation.
Sa edad na 20 taong gulang, sinimulan niya ang kanyang karera noong 1965 sa pamamagitan ng pagtatatag ng Viva Communications.
Kasunod nito ang pagtatag niya kasama ang pinsang si Orly Ilacad ng Vicor Music Corp. noong 1966 na naging tahanan ng mga artista tulad nina Jeanne Young, Helen Gamboa, Tirso Cruz III, at Freddie Aguilar.
Nagsimula ang kanilang operasyon sa isang maliit na opisina sa Quiapo at personal nilang inilako ang mga plaka ng kanilang unang mga artist.
Kalaunan ay lumipat sa paggawa ng pelikula si Del Rosario noong dekada ’80.
Kaya’t itinatag nito ang Viva Films noong 1981, na ipinangalan sa kanyang anak na si Vina Vanessa na nasawi sa isang sunog isang taon bago ito.
Sa ilalim nito ay naging matagumpay ang kanilang unang pelikula na pinamagatang P.S. I Love You, at sinundan pa ng mga kilalang pelikula noong dekada ‘90 hanggang 2000s.
Sinimulan naman noong 2022 ang pelikulang Maid in Malacañang sa pakikipag-ugnayan kay Senador Imee Marcos, na dati niya nang nakatrabaho sa mga proyekto gaya ng Metro Manila Popular Music Festival noong 1978 at Cecil Awards noong 1982.
Ayon kay Del Rosario, layunin ng pelikula na ipakita ang huling tatlong araw ng pamilya Marcos sa Malacañang.
Inilunsad din sa ilalim ng Viva Films ang mga proyektong gaya ng Viva Hot Babes.
Sa loob ng limang dekada, naging mahalagang bahagi si del Rosario sa paghubog ng industriya ng showbiz sa Pilipinas, mula musika hanggang pelikula. –VC