
Target ng pamahalaan na maipatupad pagsapit ng 2027 ang waste-to-energy (WTE) program, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sinabi ito ng Pangulo matapos niyang inspeksyunin ang operasyon ng Tripa de Gallina Pumping Station sa Pasay City ngayong Huwebes, Agosto 20.
“As long as the financing is fixed and is available, I think we will be able to put those into action by next year,” ani Pangulo.
Nauna nang sinabi ng Department of Energy (DOE) na nagsimula na noong Mayo 25 ang pagpaparehistro ng mga kumpanyang maaaring lumahok sa Special Auction Round for Waste-to-Energy sa ilalim ng Green Energy Auction Program.
Sakop ng auction ang 230 megawatts na kapasidad para sa mga proyektong gagamit ng thermal combustion technology upang gawing enerhiya ang basura.
Ayon sa DOE, makatutulong ang programa sa pagbuo ng mas malinis at mas sustainable na enerhiya sa bansa.
Bukod sa WTE program, sinabi ng Pangulo na patuloy na naghahanap ang pamahalaan ng iba pang mga paraan upang mapakinabangan ang mga basurang nakokolekta sa mga komunidad.
“That’s why they are creating compost, none of the organic waste goes to waste…. Lahat ng organic waste nagagamit,” ani Pangulo.
Gayunman, sinabi ng lider na malaking problema pa rin ang mga basurang itinatapon sa mga kanal at drainage system, na kalaunan ay nakakadagdag sa pagbaha.
Dahil dito, hinikayat ng Pangulo ang publiko na maging responsable sa pagtatapon ng basura upang maiwasan ang pagbabara ng mga daluyan ng tubig.
“Ang biro nga nila is that kung kukunin mo lahat ng lumalabas na basura, pwede kang magbuo ng bahay dahil mayroong mga kitchen sink, kung ano-ano ‘yung tinatapon sa ano. Kaya’t kailangan natin tugunan ‘yung problema sa basura,” ayon sa Pangulo.
Kasama ng Pangulo sa pag-iinspeksyon sina MMDA Chairman Don Artes, MMDA General Manager Nicolas Torre III, at Pasay City Imelda Calixtro-Rubiano. – VC











