
Patuloy na nananawagan ang Department of Science and Technology (DOST) para sa mas malawak na Integrated Water Resource Management sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan, upang maiwasan ang matinding pagbaha lalo na matapos ang sunud-sunod na pananalasa ng mga bagyo sa bansa.
Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum Jr., hindi sapat ang simpleng pagpapatayo lamang ng dike o flood barriers. Aniya, kailangan ng mas komprehensibong paraan ng pamamahala ng tubig.
“When we talk about managing water—whether too much water or less water—we need to have an integrated water resource. And people should realize that infrastructures only are able to contain so much volume of water. Because if you want to build for a large volume of water, it could not be simply dikes lang, you need water retention structures like dams,” paliwanag ni Solidum.
Kasama sa pinaplano ng ahensya ang pagbuo ng sensors at iba pang teknolohiya upang mas maging epektibo ang pagmo-monitor sa daloy ng tubig sa mga dam, irigasyon, at iba pang water infrastructures.
Makikipagtulungan din ang DOST sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) para makapaglatag ng mas matatag at sustainable na urban at rural human settlements.
“Hopefully by November 27, DOST and DHSUD will be releasing a Plan Smart—another version devoted to developing sustainable human settlements. Doon ipapakita natin paano maghanda sa mga baha, kakulangan ng tubig, using nature-based solutions and infrastructure,” dagdag ng kalihim.
Samantala, inihayag ng DOST na inaasahan din ang pagbuo ng battery recycling at manufacturing facilities sa bansa upang mabawasan ang pag-angkat mula sa ibang bansa at mapababa ang presyo ng mga bateryang ginagamit sa mga sasakyan.
Bukod dito, palalakasin pa ang pagdaraos ng smart agriculture forums para sa kabataan kung saan nagbibigay ng starter kits mula elementary hanggang senior high school upang mahikayat ang mas maraming kabataan na pumasok sa larangan ng agrikultura. (Ulat mula kay Crystal Ramizares, IBC News) –VC











