IBCTV13
www.ibctv13.com

Wi-fi para sa lahat: P3-B, inilabas ng DBM para wakasan ang digital divide sa mga paaralan

124
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. personally checked the program’s implementation during the Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) Caravan at San Agustin Elementary School in San Fernando City, La Union. (Photo from PCO)

Tinutupad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang pangako na magkaroon ng ganap na digital connectivity sa lahat ng pampublikong paaralan sa bansa.

Konkretong patunay nito ay ang pagpapalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ng P3 bilyon upang mapalawak ang libreng internet access para sa mga mag-aaral at guro, lalo na sa mga tinaguriang “last mile” schools at Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs).

Ayon kay Budget Secretary Amenah F. Pangandaman: “Dati, malaking hamon ang mahinang o kawalan ng internet signal sa mga malalayong paaralan. Ngayon, ginagawa nating realidad ang pambansang connectivity. Sa pamamagitan ng programang ito, makikinabang na ang mga estudyante at guro – lalo na sa mga liblib na lugar – sa maaasahang digital access. Walang maiiwang mag-aaral sa larangan ng digital education.”

“Oras na tuluyang maisakatuparan ang libreng internet access para sa last mile schools and far-flung areas, hindi na kailangang gumastos ng malaki o maglakbay ng malayo ang mga mag-aaral at guro natin sa mga liblib na lugar para lang makasagap ng Wi-Fi. Gusto po natin, maging pantay ang access sa dekalidad na edukasyon ng mga kabataan, nasa siyudad ka man o malalayong isla,” dagdag pa ni Secretary Amenah.

Mula sa kabuuang pondo, P1.5 bilyon ang ilalaan sa Connectivity Enhancement Program for E-Learning ng Department of Education (DepEd), na layong bigyan ng access sa mga online learning materials at digital tools kahit ang mga estudyante sa malalayong barangay.

Dagdag pa ni Pangandaman, “Hangarin ng Pangulo na maabot ang 100% connectivity sa lahat ng paaralan sa buong bansa bago matapos ang taon. Malaking hakbang ang pondo para sa pagtupad sa layuning ito.”

Ayon sa Special Provision No. 26 ng FY 2025 General Appropriations Act, ang programa ay ipapatupad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pamamagitan ng mga regional offices nito, gamit ang listahan ng mga paaralang isusumite ng DepEd. Isang Memorandum of Agreement ang gagawin ng dalawang ahensya upang pagtibayin ang kani-kanilang papel sa maayos at napapanahong pagpapatupad ng programa.

Inaasahang makikinabang ang hindi bababa sa 8,253 public schools mula sa P1.5-bilyong alokasyon ng DepEd, karamihan ay mula sa mga lugar na matagal nang hirap sa internet connectivity.

Bukod dito, naglabas rin ang DBM ng karagdagang P1.5 bilyon para sa DICT upang suportahan ang Free Public Internet Access Program, partikular sa pagbabayad ng internet connectivity, na kukunin mula sa Special Account in the General Fund – Free Public Internet Access Fund ng ahensya.

“Alam ng Pangulo ang kahalagahan ng maaasahang internet connectivity sa pagpapalaganap ng digital learning, hindi lamang para sa mga estudyante kundi pati na rin sa mga guro. Sa pakikiisa nina DepEd Secretary Sonny Angara at DICT Secretary Henry Aguda, sabay-sabay nating tinutupad ang direktiba ni PBBM na libreng Wi-Fi para sa lahat,” dagdag pa ni Pangandaman.

Sa pondong ito, muling pinagtitibay ng pamahalaan ang layunin nitong mapaliit ang digital divide at tiyakin na bawat mag-aaral – nasa lungsod man o sa malalayong isla – ay may pantay na access sa dekalidad at konektadong edukasyon. (END)

Related Articles

National

Ruth Abbey Gita-Carlos, Philippine News Agency

85
Views

National

Hecyl Brojan

104
Views

National

Ruth Abbey Gita-Carlos, Philippine News Agency

175
Views