
Muling pinatunayan ng Pilipinas ang katangi-tangi nitong ganda pagdating sa sektor ng turismo matapos masungkit ang anim na karangalan sa 2025 World Travel Awards (WTA) Asia and Oceania Gala Ceremony na ginanap nitong Lunes, Oktubre 13.
Sa ikawalong pagkakataon, kinilala ang bansa bilang Asia’s Leading Beach Destination, tampok ang mala-paraisong dalampasigan at malinis na karagatan ng Pilipinas.

Muli ring pinarangalan ang Pilipinas sa ikapitong pagkakataon bilang Asia’s Leading Dive Destination mula pa noong taong 2019 kasabay ng pagkilala bilang Asia’s Leading Island Destination.


Hindi rin nagpahuli ang mga tanyag na destinasyon tulad ng Boracay, na muling kinilala bilang Asia’s Leading Luxury Island Destination, at ang Clark Freeport Zone na itinanghal naman bilang Asia’s Leading Meetings and Conference Destination.


Bukod dito, itinanghal din ang Department of Tourism (DOT) bilang Asia’s Leading Tourist Board, bilang pagkilala sa mga programa nitong nagsusulong ng matatag, inklusibo, at world-class na turismo.

Malaki naman ang pasasalamat ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco sa pagkilalang ito, na aniya ay patunay sa pagsisikap ng mga manggagawa sa turismo at sa dedikasyon ng pamahalaan na paunlarin ang industriya.
“As the Philippine tourism industry continues to capture global recognition, we remain committed to strengthening the country’s position as a top destination of choice.” ayon kay Frasco.
Ang World Travel Awards, na nagsimula noong 1993, ay kinikilala bilang “hallmark of excellence” sa pandaigdigang industriya ng paglalakbay at turismo. –AL