
“Thank you for bringing me back to the Square.”
Isa sa mga huling salita ni Pope Francis sa kanyang personal healthcare assistant bago ang kanyang pagpanaw.
Si Massimiliano Strappetti ang nurse na naging katuwang ng Santo Papa sa mga panahong humina ang kanyang kalusugan.
Ayon sa mga impormasyon mula sa Vatican, si Strappetti pa ang humikayat sa pontiff na muling sumakay sa popemobile noong Linggo ng Pagkabuhay, Abril 20, para salubungin ang libu-libong deboto sa St. Peter’s Square matapos ang Urbi et Orbi blessing (espesyal na basbas).

Siya rin ang tumutok sa kalusugan ng Santo Papa mula pa noong inirekomenda niya ang colon surgery na kalaunan ay nagligtas ng buhay nito.
Noong 2022, pormal siyang itinalaga bilang personal healthcare assistant ng lider ng Simbahang Katolika at naging katuwang nito sa bawat yugto ng gamutan, kabilang ang 38 araw na pananatili sa Gemelli Hospital noong buwan ng Pebrero.
Batay sa impormasyon, sinasabing matapos ang huling paglabas sa publiko noong Linggo ay nagpahinga ang Santo Papa at tahimik na naghapunan.
Kinabukasan ng alas-singko ng madaling-araw, nakaranas ito ng masamang karamdaman.
Sa sumunod na oras ay tuluyan nang namaalam si Pope Francis sa edad na 88, habang nasa kanyang silid sa Casa Santa Marta.
Ayon pa sa mga ulat, mabilis at payapa ang kanyang pagpanaw, isang pamamaalam na simple at pribado katulad ng kanyang naging pamumuno.
Sa kanyang huling araw ay sinigurado ng Santo Papa na maibigay ang kanyang huling basbas sa mundo at maranasan muli ang yakap ng mga mananampalataya. –VC