
Tatlong classic Filipino dishes ang napabilang sa Top 100 Porridges in the World ng TasteAtlas para sa Agosto 2025, kasama ng iba pang tanyag na porridge delicacies mula sa iba’t ibang bansa sa Asya at iba pang bahagi ng mundo.
Kabilang sa listahan ang Arroz Caldo na may 4.3 rating at tumuntong sa ikalawang pwesto. Ito ay isang uri ng congee (rice porridge o lugaw na karaniwang pagkain sa maraming bansa sa Asya) na niluluto sa sabaw na may luya at manok, at karaniwang inihahain kasama ng iba’t ibang pampalasa.

Pasok din sa ika-9 na puwesto ang lugaw na binigyan ng 4.1 rating. Karaniwan naman itong kinakain bilang agahan o meryenda, na maaari ring dagdagan ng itlog, manok, calamansi, o patis upang mas lalong lumasa.

Samantala, Champorado naman ang nakakuha ng ika-19 na puwesto na may 3.9 rating. Kilala ito bilang ‘chocolate rice porridge’ na madalas tinatambalan ng gatas o tuyo para sa kakaibang timpla ng tamis at alat.

Ayon sa TasteAtlas, ang pagkakasama ng mga pagkaing ito sa talaan ay hindi lamang pagkilala sa lutuing Pilipino, kundi patunay din na ang simpleng lugaw ng bansa ay bahagi ng mas malawak na tradisyon ng ‘porridge’ na minamahal sa iba’t ibang kultura sa buong mundo.