
“Kahit matanda na tayo, mangarap. Kumbaga achievement.”
Patuloy sa paghabol ng pangarap si Adelaida Guia, isang crochet artist mula Baguio City, matapos tanggapin ng Guinness World Records ang kanyang aplikasyon para sa kategoryang “Largest Crocheted Mandala by an Individual.”

Nito lamang Hulyo ngayong taon, isinumite ni Guia ang kanyang obra na may sukat na 6.114 metro, at opisyal na tinanggap ng Guinness nitong Setyembre.

Ayon kay Adelaida, Hulyo 2024 nang simulan niya ang kanyang world-class na obra ngunit pansamantala niya itong inihinto matapos siyang atakihin sa puso noong Agosto sa parehong taon.

Sa kabila nito ay nanatili pa rin ang kanyang kagustuhan na ibahagi sa buong mundo ang kanyang obra, kaya naman noong Mayo 2025 ay ipinagpatuloy niya ang kanyang crochet art na kanyang natapos sa loob lamang sa loob ng 69 araw.
Bukod sa kanyang personal na tagumpay, isinusulong ni Adelaida ang pagpapalaganap ng crocheting sa pamamagitan ng mga workshop para sa kabataan upang mapanatili ang sining at kultura ng handmade crafts sa bansa.
Para sa kanya, ang bawat tahi at sinulid ay simbolo ng tiyaga, pagbangon, at pag-asa—isang patunay na walang sakit o pagsubok ang makapipigil sa taong patuloy mangarap. –AL











