
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isang batas na nagtatakda ng agarang paglibing sa mga labi ng Muslim sa bansa, alinsunod sa kanilang relihiyosong paniniwala at ritwal.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12160, inaatasan ang mga ospital, punerarya, bilangguan at iba pang pasilidad na agarang maglabas ng clearance para sa labi ng namatay na Muslim sa loob ng 24 oras mula nang mamatay, kahit wala pa itong death certificate.
“It is the policy of the State to recognize and respect the right of Filipino Muslims to bury their dead, in accordance with their religious customs and beliefs, particularly burying their dead before the next call to prayer,” nakasaad sa batas.
Batay sa Islamic rites, ang labi ng isang Muslim ay kinakailangan na balutin ng puting tela at ilagay sa airtight at leak-proof na cadaver bag o kahon na kahoy ang materyal at agad na ilibing.
Ipinagbabawal din ng bagong batas na pigilan ang paglabas ng bangkay dahil lamang sa hindi pa nababayarang bayarin sa ospital, punerarya o anumang pasilidad.
Sa halip, maaaring humiling ng promissory note o kasunduan sa petsa ng pagbabayad mula sa pamilya ng namatay.
Ang sinumang lalabag dito ay maaaring makulong ng hanggang anim na buwan o pagmultahin ng hanggang P100,000 habang papatawan naman ang opisyal ng parusa sakaling isang kumpanya o institusyon ang lumabag.
Kaugnay nito, inatasan na ang Department of Health (DOH) at National Commission for Muslim Filipinos na bumuo ng mga patakaran para sa maayos na pagpapatupad ng naturang batas. – VC