Bahagi ito ng masusing paghahanda ng bansa sa inaasahang pagboto ng milyon-milyong Pilipino sa darating na buwan ng Mayo.
Ayon sa Commission on Elections (COMELEC), ang kampanya ay may itinatakdang alituntunin na dapat sundin ng mga kandidato kung saan ipinagbabawal ang anumang anyo ng paninira, diskriminasyon, paglabag sa karapatang pantao, at hindi awtorisadong paggamit ng intellectual property.
Sa pagsisimula ng local campaigning, ilang mga kandidato na ang nakatanggap ng show cause order mula sa COMELEC dahil sa mga kontrobersyal na pangangampanya gaya ng hindi awtorisadong paggamit ng likhang-sining, paninira sa kalaban, sexist remarks, at pananamantala sa mga vulnerable sector.
Pagbibigay-diin ng COMELEC, ang mga ganitong klase ng aksyon ay bawal sa ilalim ng batas.
Intellectual Property Code of the Philippines (RA 8293)
Batay sa Republic Act No. 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines, bawal gamitin ang anumang likhang-sining, gaya ng kanta, tula, o video nang walang pahintulot mula sa orihinal na artista.
Ayon sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL), kahit para sa isang kampanya ay kailangan na nakasunod sa tamang proseso. Kung gagamitin ang isang kanta bilang jingle, dapat may pahintulot at binili kung kinakailangan.
Kasunod ng napaulat na hindi awtorisadong paggamit sa mga sikat na kanta ng ilang local artist bilang campaign jingle ng mga kandidato, nilinaw ng COMELEC na ito ay itinuturing bilang illegal campaign propaganda.
Samantala, mababasa naman sa Fair Election Act (RA 9006) ang mga limitasyon sa pondo, materyales, at uri ng mga maaaring gamitin sa kampanya.
Dito ay sinasabing hindi maaaring gumamit ng paninira o maling impormasyon laban sa ibang kandidato. Ang mga kampanyang mapanira o mapanlinlang ay maituturing bilang election offense, at maaaring magresulta sa diskwalipikasyon ng isang kandidato.
Magna Carta for Persons with Disabilities (RA 7277)
Ang batas na Magna Carta for Persons with Disabilities o RA 7277 ay nagbibigay ng proteksyon sa mga taong may kapansanan o persons with disabilities (PWD).
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), hindi maaaring gamitin ang imahe, katayuan, o kondisyon ng isang PWD para sa personal o pulitikal na interes.
Kaugnay nito, mariing kinondena ng DSWD ang insidente ng umano’y paggamit sa isang PWD sa isang smear campaign sa Pasig–isang sensitibong isyu na umani ng batikos mula sa publiko.
Magna Carta of Women (RA 9710)
Ipinagbabawal din ng batas ang diskriminasyon o anumang sexist remarks laban sa kababaihan sa ilalim ng RA 9710 o ang Magna Carta of Women (MCW).
Ayon sa Commission on Human Rights (CHR), hindi katanggap-tanggap ang paggamit ng gender-based attacks sa mga pahayag sa kampanya.
Babala ng COMELEC, ang sinumang mapatunayang lumabag sa mga sumusunod na batas ay maaaring patawan ng kaparusahan, gaya ng pagkakakulong, pagbabayad ng multa, at diskwalipikasyon sa kandidatura.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia,
“Dapat mag-ingat ang mga kandidato sa bawat salitang binibitawan nila. Sexist remarks and gender discrimination has no place in civilized society, more so in a political campaign. We will not stop issuing show cause orders until somebody is punished.” – VC