IBCTV13
www.ibctv13.com

Commuters, dapat protektahan sa mga mapang-abusong transport services – Gatchalian

Jerson Robles
129
Views

[post_view_count]

Senator Sherwin Gatchalian (Photo from Senate of the Philippines)

Nananawagan si Senador Sherwin Gatchalian para sa mabilis na pagpasa ng ‘Senate Bill (SB) 819 o ‘An Act Establishing the Rights of Passengers of Taxis, Tourist Car Transit Services and other Similar Vehicles for Hire’, na naglalayong itaguyod at protektahan ang karapatan ng mga pasahero ng taxi at tourist car transport services, lalo na sa panahon ng kapaskuhan.

Ayon sa senador, tumataas ang demand para sa pampasaherong sasakyan, ngunit kasabay nito ay ang mga insidente ng pang-aabuso mula sa ilang driver tulad na lamang ng pagtanggi sa kanila o kaya ay pagsingil ng mas mataas na pamasahe.

“During the holiday rush, incidents of passengers being refused rides or forced to pay additional amounts on top of the meter bill are common,” ayon kay Gatchalian.

Layon ng panukalang batas na ito na magbigay ng legal na proteksyon sa mga commuter at itaguyod ang pananagutan ng mga driver at operator.
Nakasaad din dito na dapat ay maging magalang at mayroong maayos na damit ang driver, hindi nakainom o gumagamit ng ipinagbabawal na gamot, at nakasunod sa minimum health protocols.

Ipinapahayag din sa panukalang batas na dapat dalhin ang pasahero sa kanilang destinasyon anuman ang haba ng biyahe o kondisyon ng trapiko.

Kinakailangan ding ipakita ang fare meter na dapat ay maayos na naka-calibrate at selyado ng tamang awtoridad habang ang mga pasahero naman ay may karapatang magbayad lamang ayon sa nakasaad sa metro o booking application at dapat silang bigyan ng eksaktong sukli.

Sakaling maisabatas ay papatawan ang mga driver na lalabag ng multa, simula sa P1,000 at suspensyon ng lisensya sa unang paglabag na posibleng umabot sa P3,000 sa ikalawang paglabag pati na anim na buwang suspensyon, habang sa ikatlong paglabag naman ay papatawan ang driver ng P5,000 na multa at isang taong suspensyon.

Umaasa naman si Gatchalian na makakamit ang mas mataas na antas ng serbisyo para sa lahat ng gumagamit ng taxi at iba pang sasakyan para sa bayan. – AL

Related Articles

Uncategorized

60
Views

Uncategorized

199
Views

Uncategorized

Ivy Padilla

336
Views