Sa kabila ng laban sa cancer na kinakaharap ni health advocate-cardiologist Doctor Willie Ong, inanunsyo niya sa kanyang Facebook livestream ang nakatakdang pagtakbo bilang senador sa 2025 midterm elections ngayong Lunes, Setyembre 30.
Ayon kay Ong na mas kilala sa bansag na Doc Willie, hahalili sa kanya ang asawang si Doc Liza para maghain ng Certificate of Candidacy sa Oktubre 2 habang nagpapagamot pa siya sa Singapore.
“Tatakbo tayo. Ipapakita natin na tunay ang Diyos. This time we’re gonna win it,” mensahe ni Doc Willie sa kanyang mga taga-suporta.
Tiniyak ng doktor na bago sumabak muli sa politika ay sisiguraduhin munang maayos na ang kanyang kalagayan.
“First miracle, I have to get well. Second miracle, mananalo tayo ng walang pera. Pag hindi nanalo, edi sorry, pero I’ll give it my best shot,” pagtitiyak niya.
Matatandaan noong Setyembre 14 nang ibahagi ni Ong sa isang pre-recorded video message na siya ay diagnosed ng ‘abdominal cancer’. – VC