
Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang panuntunan ng Expanded Solo Parents Welfare Act of 2022 sa gitna ng ilang maling ideya sa nasabing batas kaugnay ng hindi pagiging kwalipikado ng ilang solo parents sa Solo Parent Identification Card (SPIC) at sa mga kalakip nitong benepisyo.
Ipinaliwanag ni Social Welfare Officer (SWO) 4 Jocelyn Vince Cruz ng DSWD Protective Services Bureau (PSB) na ito ay pinalawak lamang na Republic Act. No 8972 kung saan mas pinalawak din ang depinisyon ng solo parent at maging ang kanilang benepisyong maaaring matanggap.
Paglilinaw ng PSB Officer, may mga panuntunan na sinusunod bago makonsidera ang isang solo parent sa nasabing batas.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11861 o Expanded Solo Parents Act of 2022, maituturing na solo parent ang isang magulang kung mag-isa lamang siyang sumusuporta sa kanyang anak.
Ibig sabihin nito, hindi kabilang ang mayroong cohabitation o co-parenting arrangements.
Dagdag ng PSB Officer, marahil dito nagkakamali ang ibang mga magulang na itinuturing ang sarili bilang solo parent sa kabila ng pagkakaroon ng kaagapay sa pagsuporta sa kanilang anak tulad ng dati nilang asawa o iba pang kaanak.
Samantala, maaari namang ituring na solo parent ang legal guardian, adoptive parent, o foster parent na mag-isang sumusuporta sa anak, gayundin ang mga fourth degree consanguinity gaya ng lolo at lola, kapatid, at iba pang kamag-anak na umako ng responsibilidad ng isang magulang.
Kwalipikado rin ang mga magulang na mayroong katuwang sa buhay na low-income overseas Filipino worker (OFW).
Sa ilalim ng bagong panuntunan, pinalawak din hanggang 22 taong gulang ang age coverage ng mga anak o dependents na maaaring makatanggap ng benepisyo, mula sa dating 18 taong gulang lamang.
Binigyang-linaw ng ahensya na para maging kwalipikado, kinakailangang nakatira at nakadepende ang anak sa solo parent.
Ang anak o dependent ay hindi rin dapat kasal, nagtatrabaho, at kailangang pumapasok sa paaralan kung ito’y nasa edad na ng pag-aaral.
Kabilang sa mga karagdagang benepisyo sa ilalim ng nasabing batas ang monthly subsidy na P1,000 depende sa kinabibilangang LGU, 10% discount at Value Added Tax (VAT) exemption sa ilang mga pangunahing bilihin gaya ng medisina, infant milk, food supplements, at iba pang medical supplies sa mga solo parent na kumikita lamang ng hindi lalampas sa P250,000 kada taon at may anak na may edad anim na taong gulang pababa.
Kasabay nito, ang mga pasok na solo parent ay may full premium coverage sa PhilHealth at bibigyang-prayoridad din sa mga pabahay ng gobyerno. – VC











